Dagupan City – Nilinaw ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ang magkakasunod na pagyanig na naitala sa karagatang bahagi ng Bolinao, Pangasinan ay isang earthquake swarm at hindi dulot ng isang pangunahing lindol o main shock.

Ayon kay Ron Meagan Z. Equila, Research and Planning Unit Head ng Pangasinan PDRRMO, karaniwan sa isang earthquake swarm ang sunod-sunod na lindol na walang iisang pangunahing pagyanig na pinagmumulan.

Dahil dito, hinikayat ni Equila ang publiko na manatiling kalmado, maging handa, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso kaugnay ng mga nararanasang pagyanig.

--Ads--

Aniya, bahagi ng kanilang mga paghahanda ang patuloy na pagtukoy sa mga posibleng hazard at pagbibigay ng kaukulang impormasyon upang maprotektahan ang mga residente laban sa mga sakuna.

Idinagdag pa niya na nauna nang pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang pinahusay na bersyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Plan, na naglalaman ng iba’t ibang proyekto at programa upang mas mapaghandaan ang mga kalamidad, kabilang ang mga lindol.

Ayon din kay Equila, kumpara sa mga nagdaang taon ay mas malaki na ang naging pag-unlad sa pagtanggap at pakikiisa ng komunidad sa mga paghahanda laban sa sakuna, gaya ng pagsunod sa mga pre-evacuation measures at iba pang mga protocol sa panahon ng kalamidad.

Samantala, nanawagan ang PDRRMO sa mga residenteng nakatira sa mga low-lying at iba pang high-risk areas na agad sumunod sa mga evacuation order kung kinakailangan at makinig lamang sa mga awtoridad at responders upang matiyak ang kanilang kaligtasan.