Hihiling ang Lokal na Pamahalaan ng Laoac sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isagawa na lamang sa mga barangay ang pamamahagi ng social pension para sa mga senior citizen.

Ayon kay Laoac Mayor Ricardo Balderas, layunin ng hakbang na mapadali ang pagtanggap ng ayuda ng mga nakatatandang benepisyaryo, lalo na ang mga hirap nang bumiyahe patungo sa mga itinatalagang payout centers.

Sinabi ng alkalde na maraming senior citizen ang nahihirapang maglakbay dahil sa kanilang edad at kondisyon sa kalusugan, kaya mas magiging maginhawa kung ang pamamahagi ng social pension ay direktang isasagawa sa bawat barangay.

--Ads--

Dagdag pa ni Balderas, makatutulong din ang barangay-based payout upang mabawasan ang gastos sa pamasahe at iba pang abala ng mga benepisyaryo at ng kanilang mga kaanak na sumasama sa kanila sa pagkuha ng kanilang pensiyon.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na pagbibigyan ng DSWD ang kanilang kahilingan upang mas mapalapit at maging mas episyente ang paghahatid ng serbisyo sa mga senior citizen ng Laoac.