Matagumpay na nakapasok ang Canada sa Round of 16 ng FIFA World Cup matapos nitong pataubin ang South Africa, 1-0, sa isang dikdikang laban.
Ayon kay Ruth Marie Magalong, Bombo International Correspondent sa Canada, nagdulot ng matinding kasiyahan sa buong bansa ang makasaysayang panalo ng koponan.
Sinabi ni Magalong na “nayayanig ang buong siyudad” sa selebrasyon ng mga Canadian matapos ang tagumpay at pagkakasiguro ng kanilang puwesto sa Round of 16.
Aniya, itinuturing nilang isang kritikal na laban ang naturang laro dahil sa matinding pagsubok na pinagdaanan ng koponan bago makamit ang panalo.
Dagdag pa niya, isa itong makabuluhan at makasaysayang pangyayari para sa Canada dahil ipinapakita ng kanilang pag-iskor at pagkuwalipika na kaya nilang makipagsabayan at hindi sila maaaring maliitin sa larangan ng international sports.
Patuloy namang ipinagdiriwang ng mga tagasuporta ng Canada ang panibagong yugto ng kanilang makasaysayang kampanya sa FIFA World Cup habang naghahanda ang koponan para sa susunod nitong laban sa Round of 16.










