Ilulunsad sa lungsod ng Dagupan ang kauna-unahang programa ng Department of Education (DepEd) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamagatang “Project STUDYANTE”.

Layunin nito na maturuan at bigyan ng kamalayan ang mga kabataan tungkol sa pinsalang dulot ng pinagbabawal na gamot.

Ayon kay Dr. Edwin R. Ferrer, Program Author ng nasabing proyekto na ang pangalan ng programa ay isang akronim na nangangahulugang “Students Trained to Unite Drug-Free Youth and Awareness Nurturing True Education”.

--Ads--

Aniya na ang proyekto ay nabuo lamang noong nakaraang taon dahil sa nakikitang pagkalat ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa at bilang siya ang ALS Focal person na humahawak sa mga nasa kulungan nakita nito ang problemang dulot ng droga kapag napabayaan.

Sa pamamagitan nito ay mabibigyan ang mga kabataan ng tamang impormasyon at gabay tungkol sa mga kahihinatnan kung sila ay malulong o masangkot sa droga.

Binibigyang-diin dito ang literacy, edukasyon, at oryentasyon tungkol sa mga Advantage ng pagiging aware at mga disadvantages ng paggamit ng droga.

Saad niya na ang Project STUDYANTE ay magsisimula sa Dagupan City bilang pilot area na isasagawa 2 linggo mula ngayon
pagkatapos nito ay gagawin din sa buong Pangasinan kung saan makikipagtulungan ito sa Gobernador, Provincial Director ng PDEA, at Philippine National Police (PNP) para sa maayos na pagpapatupad ng programa.

Kaugnay nito magsisilbi umano ang mga guro na facilitator sa programa at dito magsasagawa ng mga sesyon pagkatapos ng klase.

Sa halip na maglibot o makisali sa mga walang kabuluhang gawain, bubuin ng mga guro ang mga estudyante para sa oryentasyon.

Isasama rin ang programa sa values education at home guidance program ng mga paaralan, lalo na sa mga secondary schools kung saan mas madaling matukso ang mga kabataan.

Pagbabahagi nito na ang programa ay accredited na ng PDEA Regional Office 1 at itutupad sa buong Rehiyon 1 kabilang ang mga lalawigan ng Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Batay umano sa kanilang datos sa kasalukuyan, ayon kay Dr. Ferrer, wala pang naiulat na estudyanteng nasangkot sa droga sa District 9 at 10 ng mga secondary schools sa Dagupan.

Samantala, ang Project STUDYANTE ay bahagi ng literacy program ng DepEd para sa kamalayan laban sa droga kaya nakikita nitong malaking tulong ang programa para sa kapakanan ng mga kabataan lalo na sa hinaharap.