Dagupan City – Pinaigting ng Pangasinan National High School (PNHS) ang pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral sa School Year 2026-2027, alinsunod sa Department Order No. 006, Series of 2026 na naglalayong matiyak ang isang ligtas at maayos na kapaligiran sa pagkatuto.

Ayon kay Senior High School Coordinator Dr. Virgilio B. Matias Jr., agad na tumalima ang paaralan sa inilabas na memorandum ng Schools Division Office sa pangunguna ni School Principal Dr. Mariela N. Calima.

Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang mahigpit na inspeksyon ng mga bag ng mga bisita at mag-aaral sa pagpasok ng paaralan at pagpapanatili ng presensya ng mga security personnel sa campus.

--Ads--

Sinabi rin ni Matias na ang mga makukumpiskang ipinagbabawal na gamit, tulad ng vape, ay agad na isinusumite sa Guidance Office upang mabigyan ng kaukulang counseling ang mga sangkot na mag-aaral.

Kasama rin sa proseso ang pakikipagdayalogo sa mga magulang bilang bahagi ng pagpapatibay ng disiplina at pangangalaga sa kalusugan ng mga kabataan.

Sa usapin ng bullying, sinabi ni Matias na bagama’t mayroon mang naitatalang mga insidente dahil sa malaking populasyon ng paaralan na umaabot sa halos 6,000 mag-aaral, pawang mga minor cases lamang ang naitatala ng Guidance Office.

Agad naman umanong naipatutupad ang mga kaukulang intervention, counseling at psychosocial support sa mga sangkot na estudyante kasama ang kanilang mga magulang upang maiwasan ang paglala ng mga kaso.

Bukod dito, magsasagawa rin ang paaralan ng mga symposium at information campaign tungkol sa paglikha ng ligtas at positibong learning environment bilang bahagi ng patuloy nitong programa para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Hinikayat din ng pamunuan ng PNHS ang mga estudyante na magtulungan sa pagpapanatili ng disiplina at seguridad sa loob ng paaralan upang maging maayos at matagumpay ang School Year 2026–2027.