Dagupan City – Inilapit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III at sa pakikipagtulungan ng Pangasinan Public Employment Service Office (PESO), ang iba’t ibang serbisyo at programang pangkabuhayan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng isang OFW Caravan.

Layunin ng aktibidad na mabigyan ng mas madaling access ang mga OFW at kanilang mga benepisyaryo sa mahahalagang serbisyo ng pamahalaan na makatutulong sa kanilang kabuhayan at paghahanap ng oportunidad sa trabaho.

Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa caravan ang employment assistance, livelihood opportunities at iba pang programa ng pamahalaan na nakatuon sa kapakanan at pangmatagalang kabuhayan ng mga OFW at kanilang pamilya.

--Ads--

Sa pamamagitan ng naturang programa, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagbibigay ng suporta sa mga OFW bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa ekonomiya at sa kapakanan ng kanilang mga pamilya.

Inaasahan ding mas maraming OFW at kanilang mga kaanak ang makikinabang sa mga programang inilulunsad ng pamahalaan upang magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at mas maraming oportunidad sa kanilang pagbabalik at pananatili sa lalawigan.