Mas pinaigting ng Pangasinan Provincial Highway Patrol Group (HPG) ang kampanya nito sa road safety at pagpigil sa carnapping sa lalawigan sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

Sa isinagawang guesting ni Police Lieutenant Francis E. Lachica, Intelligence Officer ng Pangasinan Provincial Highway Patrol Team sa “Balitang PNP” ng Pangasinan Police Provincial Office , inihayag nito na ang pangunahing mandato ng kanilang tanggapan ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 at Presidential Decree No. 532 o Anti-Highway Robbery Law.

Kabilang din sa kanilang tungkulin ang pagbibigay ng motorcycle security escort sa matataas na opisyal ng pamahalaan at mga dayuhang dignitaryo na bumibisita sa bansa o sa lalawigan.

--Ads--

Sinabi rin ni Lachica na bukas ang Highway Patrol Team sa publiko para sa iba’t ibang serbisyo tulad ng pagkuha ng Motor Vehicle Clearance Certificate, transfer of ownership, change of color, change of chassis, permit to assemble, at re-stamping ng mga sasakyan.

Ibinahagi naman nito na sa kanilang tala, mula Enero hanggang sa kasalukuyan nakarekober na ang kanilang opisina ng 16 na sasakyan at 30 motorsiklong naitalang nawawala.

Nadiskubre rin ng kanilang tanggapan ang 36 na sasakyan at 20 motorsiklong may mga pekeng dokumento, habang dalawang suspek sa carnapping at lima pang sangkot sa iba pang krimen ang naaresto.

Saad niya na upang mapigilan ang carnapping, patuloy ang kanilang ginagawang pagpapatrolya sa mga lugar na madalas paganapan ng naturang krimen.

Hinikayat din nito ang mga may-ari ng sasakyan na maglagay ng Global Positioning System (GPS) at tiyaking hindi naiiwan ang susi sa ignition switch upang maiwasan ang pagnanakaw.

Sa usapin ng road safety, binigyang-diin niya na kabilang sa mga pangunahing sanhi ng aksidente ang reckless driving, overspeeding, hindi pagsusuot ng seatbelt at hellmet at pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak.

Dahil dito, Hinikayat niya ang mga motorista na maging responsable at gumamit ng designated driver kung kinakailangan.

Patuloy ring nagsasagawa ang Highway Patrol Team ng mga information campaign at dayalogo sa mga samahan ng mga pampublikong sasakyan.

Nagpaalala rin ito sa publiko na beripikahin muna sa Land Transportation Office (LTO) ang mga dokumento ng second-hand vehicles bago bilhin upang matiyak na lehitimo ang mga ito.

Kasabay nito, pinaalalahanan nito ang mga motorista na iwasan ang illegal parking at obstruction sa mga national highway dahil maaari itong magdulot ng aksidente.

Hinimok din ni Lachica ang lahat na pairalin ang disiplina, pasensya, at paggalang sa kapwa motorista upang maiwasan ang road rage at matiyak ang ligtas na paglalakbay.