Nagtapos na ang kampanya nina Alexandra “Alex” Eala at dating world No. 1 Venus Williams sa doubles competition ng Bad Homburg Open matapos silang mabigo sa quarterfinals laban kina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain nitong Huwebes.

Naitala nina Mihalikova at Nicholls, na kapwa nasa ika-29 puwesto sa WTA doubles rankings, ang 6-3, 6-2 panalo sa loob lamang ng isang oras at 20 minuto upang umabante sa semifinals ng WTA 500 tournament.

Bago ang pagkatalo, umabot sa quarterfinals sina Eala at Williams matapos talunin sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne sa iskor na 6-3, 6-4 noong Miyerkules.

--Ads--

Tuluyan ding nagwakas ang kampanya ni Eala sa torneo matapos siyang matalo kay Elise Mertens sa unang round ng singles competition.

Sa kabila ng talo sa Bad Homburg Open, nakatuon na ngayon ang pansin ni Eala sa nalalapit na Wimbledon Championships sa susunod na linggo.