Pinaigting ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan sa ilang paaralan sa bansa.

Sa isinagawang “Talk to Men and Deployment Briefing”, nakipagpulong si Mayor Belen Fernandez kay Councilor Atty. Joey Tamayo at sa mga opisyal ng Dagupan City Police Office o DCPO sa pangunguna ni City Director Pcol. Arnold Solomon upang talakayin ang mga estratehiya para higit pang mapalakas ang seguridad sa lungsod.

Ayon sa alkalde, mahalagang maging maagap ang lahat ng kinauukulang ahensya upang maiwasan ang anumang kahalintulad na insidente ng karahasan, lalo na matapos ang mga naganap na insidente sa mga paaralan sa Tacloban City at Cavite.

--Ads--

Sinabi ng lokal na pamahalaan na layunin ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng city government at ng pulisya na mapanatili ang kapayapaan sa mga paaralan at mapigilan ang mga kabataan na masangkot sa kriminalidad.

Kasabay nito, muling binigyang-diin ni Fernandez ang kanyang panawagang “Dapat aksyon lagi” sa isinagawang mandatory sit-down meeting kasama ang mga department head ng lungsod.

Tinalakay dito ang mga programang magpapahusay sa serbisyo publiko at magpapalakas sa pamamahala ng mga tanggapan ng lungsod.

Isa sa mga pangunahing usapin sa pulong ang pagpapalalim ng ugnayan ng lokal na pamahalaan, Dagupan City Police Office, at Department of Education upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at maiwasan ang mga insidente ng krimen sa lahat ng 39 pampublikong paaralan sa lungsod.

Ayon sa city government, patuloy nilang uunahin ang kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng mas maigting na koordinasyon at pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa pag-aaral.