Ikinagulat ng maraming komunidad ng iba’t ibang nasyonalidad sa Estados Unidos ang pagkakasangkot ng isang Filipina American nurse sa umano’y malawakang healthcare fraud na tinatayang umabot sa US$906 milyon o mahigit P51.6 bilyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, na marami sa mga healthcare professionals sa bansa, kabilang ang mga nurse at iba pang healthcare workers, ang nagpahayag ng pagkabigla at pagkadismaya sa naturang kaso.
Ayon kay Pascual, malaki ang naging epekto ng balita sa komunidad ng mga Pilipino sa Amerika dahil kilala ang mga Pilipino sa buong mundo sa kanilang mataas na antas ng propesyonalismo, kasipagan, katapatan, at dedikasyon sa kanilang trabaho, lalo na sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan.
Gayunman sa kabila ng insidente, nananatiling mataas ang reputasyon ng mga Pilipinong healthcare workers sa Estados Unidos, na patuloy na kinikilala dahil sa kanilang mahalagang ambag sa sektor ng kalusugan.
Dagdag pa niya, inaasahang magpapatuloy pa ang malalimang imbestigasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay ng kaso, lalo na’t marami umanong ari-arian at iba pang posibleng kaugnay na transaksyon ang natuklasan sa isinagawang pagsisiyasat.
Lumalabas din sa mga ulat na napakalaki umano ng halagang sinisingil sa bawat pasyente.
Nahaharap si Marizel Yukee sa ilang mabibigat na kaso kabilang ang conspiracy to commit healthcare fraud and wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering.
Ang TRICARE ay programang pangkalusugan ng pamahalaan ng Estados Unidos para sa mga aktibong sundalo, beterano, at kanilang mga pamilya, habang ang Medicare naman ay para sa mga senior citizen at ilang indibidwal na may kapansanan.










