Dagupan City – Dalawang indibidwal ang nasawi matapos masangkot sa isang vehicular traffic incident sa bayan ng San Jacinto.
Ayon kay Police Captain Sherwin R. Sinang, Deputy Chief of Police ng San Jacinto PNP, kabilang sa mga nasawi ang isang 23-anyos na lalaki at ang kanyang 19-anyos na backride na isang estudyante sa barangay Santa Maria, San Jacinto, Pangasinan.
Kapwa residente ang mga ito ng Barangay San Roque, San Jacinto ang mga ito.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, patungo sana ang dalawang biktima sa bayan ng Manaoag nang mawalan ng kontrol ang kanilang minamanehong motorsiklo dahil umano sa mabilis na takbo.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, idineklara silang dead on arrival sa pagamutan.
Napag-alaman din na parehong nakainom ng alak ang mga biktima at wala ring suot na helmet nang maganap ang insidente.
Ayon pa kay PCapt. Sinang, maituturing na accident-prone area ang lugar na pinangyarihan ng aksidente dahil sa matarik at matalim na kurbada ng kalsada.
Kaugnay nito, nakatakda ang lokal na pamahalaan ng San Jacinto na maglagay ng mga karagdagang babalang karatula o signages sa lugar upang paalalahanan ang mga motorista na maghinay-hinay sa pagpapatakbo ng kanilang mga sasakyan.
Nagpaalala rin ang San Jacinto PNP sa publiko na laging magsuot ng mga kinakailangang protective gear, partikular ang helmet, at iwasan ang pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak upang maiwasan ang kaparehong trahedya.










