Isang Filipina nurse practitioner mula sa lungsod ng Tuguegarao ang nahaharap sa iba’t ibang federal charges sa Estados Unidos matapos umanong pasimunuan ang isang malawak na healthcare fraud scheme na nandaya sa Medicare at TRICARE ng halos US$1 bilyon (humigit-kumulang P51.6 bilyon).

Ayon sa mga federal prosecutor, si Marizel Yukee, isang residente ng Las Vegas, ay umano’y tumarget sa mga matatanda at mga pasyenteng may malubhang karamdaman, kabilang ang mga nasa hospice care, sa pamamagitan ng pagbibigay ng hindi kinakailangang medical wound treatments at pagsingil sa mga programang pangkalusugan ng gobyerno.

Batay sa federal indictment na isinampa sa Houston at nakuha ng GMA News, sinabi na si Yukee at ang kanyang mga kasabwat ay nagsumite ng mahigit US$906 milyon (humigit-kumulang P51.6 bilyon) sa mga pekeng claim mula Oktubre 2023 hanggang Abril 2026, at nakatanggap ng humigit-kumulang US$297 milyon (tinatayang P16.9 bilyon) bilang bayad mula sa Medicare at TRICARE.

--Ads--

Ang Medicare ay isang pederal na health insurance program sa U.S. na para sa mga nakatatanda na edad 65 pataas, mas batang may kapansanan, at mga pasyenteng may end-stage kidney disease o ALS.

Samantala, ang TRICARE ay nagbibigay ng healthcare coverage para sa mga aktibong miyembro ng militar, mga retirado, National Guard at Reserve members, at kanilang mga dependents.

Ayon sa mga prosecutor, nag-operate si Yukee ng apat na wound-care clinics sa Texas, Nevada, California, at Hawaii, at umano’y nagbayad ng ilegal na kickbacks kapalit ng mga referral ng pasyente.

Dagdag pa ng mga awtoridad, pineke rin umano ang mga medical records, siningil ang mga hindi kailangang gamutan, at nakatanggap ng milyun-milyong dolyar na kickbacks mula sa mga allograft distributors.

Sinasabi sa indictment na ginamit niya ang kinita mula sa umano’y scheme upang pondohan ang marangyang pamumuhay.

Kabilang dito ang mga luxury vehicle tulad ng Ferrari na nagkakahalaga ng mahigit US$500,000 (humigit-kumulang P28.5 milyon), mamahaling alahas gaya ng US$865,000 (tinatayang P49.3 milyon) na Bulgari necklace, isang US$1 milyon (humigit-kumulang P57 milyon) na bahay sa Hawaii, at ang pagpapatayo ng US$4.6 milyon (tinatayang P262.2 milyon) na beach resort sa Santa Ana, Cagayan sa Pilipinas.

Hinihiling ng mga federal prosecutor ang pagse-seize o forfeiture ng iba’t ibang ari-arian, sasakyan, bank accounts, at iba pang assets na umano’y konektado sa naturang pandaraya.

Kinasuhan si Yukee ng conspiracy to commit healthcare fraud at wire fraud, healthcare fraud, conspiracy to pay and receive illegal kickbacks, at money laundering. Itinuturing siyang inosente hangga’t hindi napapatunayang guilty sa korte.

Naglabas na ng arrest warrant ang U.S. District Court para sa Southern District of Texas, Houston Division, laban kay Yukee.