Nanawagan ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa pamahalaan na magpatupad ng mas malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo at ayusin ang sistema ng payout sa ilalim ng Service Contracting Program upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga tsuper at operator sa bansa.
Bagama’t may inaasahang rollback na ₱8 hanggang ₱10 sa diesel at ₱4 hanggang ₱5 sa gasolina sa susunod na linggo, iginiit ni Liberty de Luna, Pangulo ng ACTO, na hindi ito sapat. Hiniling niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na utusan ang Department of Energy (DOE) na ituloy-tuloy ang pagbaba ng presyo hanggang ₱20 kada litro.
Ayon kay De Luna, layon nilang maibalik ang presyo ng diesel sa ₱60 hanggang ₱65 kada litro. Katwiran niya, humupa na ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran kaya nararapat lamang na bumaba ang presyo ng krudo para makarekober ang transport sector.
Binigyang-diin din ni De Luna ang problema sa Service Contracting Program, kung saan marami umanong payout ang nade-delay dahil sa malalabong QR code na kuha ng mga staff ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Dahil sa aberyang ito, maraming tsuper ang napipilitang mag-abono para sa krudo at boundary, habang ang iba ay dumaranas na ng gutom dahil sa kawalan ng sweldo sa loob ng ilang linggo. Nanawagan siya sa pamunuan ng LTFRB na bilisan ang imbestigasyon at bayaran na ang mga kooperatiba at korporasyong may malilinaw na dokumento.
Bilang pangmatagalang solusyon sa krisis sa petrolyo, hinihikayat ng ACTO ang mga kasapi nito na dahan-dahang tanggapin ang paggamit ng Electric Vehicles (EV). Ayon kay De Luna, makatutulong ito upang hindi na umasa ang Pilipinas sa supply ng langis mula sa Middle East.
Binanggit niya ang proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) na nag-aalok ng pautang para sa “Green Roads.” Sa ilalim nito, ang dalawang unit na nagkakahalaga ng ₱3 milyon ay maaaring makuha sa mas mababang halaga sa tulong ng subsidiya at pautang na babayaran sa loob ng limang taon.
Sakaling hindi maibigay ang hinihinging rollback, hihiling ang ACTO ng kahit ₱1 na dagdag-pamasahe sa buong Pilipinas bilang pansamantalang saklolo sa mga driver at operator.
Sa huli, nanawagan si De Luna ng pagkakaisa sa lahat ng transport federations at kooperatiba. Pinaalalahanan din niya ang mga tsuper na mag-ingat sa tindi ng init ng panahon sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig at pagdadala ng extrang damit upang makaiwas sa sakit habang nasa biyahe.










