Umabot sa 347 na mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa ilalim ng Schools Division Office ng lungsod ng Dagupan ang nagtapos at nakakumpleto ng pag‑aaral sa ginanap na ika‑18 Graduation and Completion Ceremonies sa West Central Elementary School 1 para sa school year 2025‑2026.

Ang kaganapan ay may temang: “Filipino Graduates: Prepared to Lead with Competence and Character.”

Ayon kay Dr. Edwin Ferrer, Division Focal Person ng ALS, binubuo ang bilang ng mga nagtapos ng 75 sa Elementary Level at 272 naman sa Junior High School.

--Ads--

Binigyang‑diin niya na ang programa ay nagsisilbing mabisang daan upang mabago ang buhay ng mga out‑of‑school youth at iba pang kalahok.

Ibinigay din niya ang pagkilala sa 22 guro ng ALS na naging susi ng tagumpay sa pamamagitan ng kanilang sakripisyo at dedikasyon.

Bukod dito, batay sa paunang talaan, nasa 784 na ang nakapagpatala para sa darating na School Year 2026‑2027 sa nasabing programa.

Isang patunay nito ang kwento ni Tita Dela Cruz, 54 taong gulang mula sa Barangay Bonuan Binloc.

Sa kabila ng maagang pag‑aasawa sa edad na 15 at kakulangan sa pinansyal, hindi siya tumigil sa pangarap.

Ngayon, buong tagumpay niyang tinapos ang kanyang pag‑aaral sa ilalim ng ALS Junior High School kaya maari na itong makatuntong sa Senior High School upang matapos ang kanyang sekondarya.

Ipinagmalaki naman ni Ma. Linda Ventenilla, Chief Education Supervisor ng Curriculum Implementation Division ang mataas na bilang ng mga nakapasa at nakatapos sa kanilang dibisyon sa lungsod.

Binanggit niya ang patuloy na pagtutulungan ng mga tauhan, mula sa mga mobile teachers hanggang sa mga tagapamahala, at ang pagbibigay ng angkop na kagamitan at tulong sa mga mag‑aaral.

Idiniin niya na sa ALS ay hindi hadlang ang edad at bukas ito sa lahat, may asawa man o may anak na, hangga’t nagnanais matuto.

Ipinaliwanag naman ni Jonavelle P. Poquiz, ALS Implementer na iba ang ALS sa pormal na pag-aaral.

Hindi aniya ito araw‑araw tulad sa regular na klase; sa halip ay nakatakda ang mga sesyon ayon sa oras ng mga kalahok upang makasabay nila ang trabaho at gawaing bahay.

Ginagamitan ito ng mga modyul at kagamitang pang‑aral, at tinitiyak na ang sistema mismo ang umaakma sa pangangailangan ng bawat isa kaya walang hadlang sa pagtatapos ng pag‑aaral kahit pa sila ay nagtatrabaho.

Masaya aniya ito sa kanyang trabaho sa halos 8 taon na niyang pagtuturo dahil marami itong nakikilala at natutulungan mga learners.

Bilang panauhing pandangal at tagapagsalita at Alumni ng ALS noong 2016, ibinahagi ni Mery Mikaela D. Escosio ang kanyang karanasan.

Ayon sa kanya, nagsilbing tulay ang programa ng sektor ng edukasyon upang makabangon mula sa iba’t ibang pagsubok sa kanyang pag-aaral kaya naging matagumpay na itong guro.

Hinarap niya ang negatibong pananaw ng iba, ngunit nanaig ang kanyang pangarap.

Iminungkahi niya na huwag hayaang diktahan ng ibang tao ang kapalaran, panatilihin ang pananalig sa Diyos, at pahalagahan ang lahat ng tumutulong sa kanila.

Sa kabuuan ang kaganapan ay patunay ng nagkakaisang adhikain ng SDO Dagupan na labanan ang kamangmangan at kahirapan sa pamamagitan ng edukasyong bukas para sa lahat.