Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources Region 1 na ang pangangalaga ng kalikasan ay hindi lamang responsibilidad ng ahensya kundi gawain ng bawat mamamayan at pamahalaang lokal.

Ayon kay Atty. Ronnel C. Sopsop, Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources o DENR Region 1 sa isinagawang kapihan sa ilocos, bagama’t nasa DENR ang pangunahing mandato sa ilalim ng Saligang Batas na pangalagaan ang kapaligiran at kalikasan, hindi nila ito magagampanan nang mag-isa.

Kailangan ang pagtutulungan ng lahat upang mapigilan ang masamang epekto ng pagbabago ng klima.

--Ads--

Dahil aniya kung hindi magkakaisa ang bawat indibidwal, walang magiging saysay ang anumang hakbang na isasagawa ng ahensya.

Kaugnay nito, bilang bahagi ng mga programa, patuloy naman na inilulunsad ng tanggapan ang “Permitting on Wheels” na pangunahing proyekto ng Kalihim ng DENR na naglalayong maghatid ng serbisyo nang direkta sa mga komunidad.

Sa pamamagitan nito, hindi na kailangang pumunta pa ng mga mamamayan sa mga opisina ng ahensya upang kumuha ng mga kinakailangang dokumento o permit.

Kasama sa gawaing ito ang mga tanggapan sa rehiyon tulad ng Environmental Management Bureau o EMB at Mines and Geosciences Bureau o MGB.

Saad pa niya na sinimulan ang aktibidad sa Candon City, Ilocos Sur, at isinagawa na rin sa San Fernando sa La Union at sa Alaminos City at Binalonan sa Pangasinan.

Sa kabuuan nasa apat na yugto na ang programa sa rehiyon na umabot sa 1,150 na kliyente ang natulungan.

Kasabay nito, puspusan din ang isinasagawang pagtatanim ng puno sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Ang mga gawaing ito ay bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-39 na anibersaryo ng DENR, kung saan isinagawa rin ang simpleng pagtitipon para sa mga kawani ng ahensya.

Nanawagan din ang opisyal sa mas matibay na ugnayan sa mga Local Government Units o LGU.

Binanggit din niya na sa usapin ng pamamahala ng basura, ang DENR ay nagbibigay lamang ng teknikal na tulong, habang ang pagpapatupad ng mga patakaran ay nasa kamay na ng mga lokal na pamahalaan.