Dagupan City – Tinatayang nasa 9 hanggang 13 bagyo ang inaasahang papasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR sa loob ng anim na buwan ito ay mula buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre ngayong taon.

Ayon kay Engr. Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist ng PAGASA Dagupan City, sa kasalukuyan ay nasa limang bagyo na ang naitalang pumasok sa bansa simula pa noong unang bahagi ng taon.

Bagama’t mababa pa ito kumpara sa karaniwang bilang ng mga bagyong dumarating taon-taon, nananatili ang paalala ng ahensya base sa kanilang pagsusuri.

--Ads--

Binanggit din niya na sa ngayon ay hindi pa matukoy kung gaano kalakas o kung anong kategorya ang magiging lagay ng mga bagyong ito.

Bilang paghahambing, noong panahon ng El Niño sa pagitan ng taong 2023 at 2024, nasa 11 bagyo lamang ang pumasok, mas mababa sa karaniwang 21 na inaasahan sa buong taon.

Bagama’t ilan sa mga ito ay umabot sa kategoryang malalakas na bagyo, hindi naman lahat ay direktang tumama sa kalupaan ng bansa.

Ipinapaalala naman ng PAGASA sa publiko na manatiling maingat at tumutok sa mga ulat tungkol sa panahon para mapaghandaan ang posibleng pagbabago nito.