Dagupan City – Pansin ngayon ang pagtaas ng presyo ng manok sa ilang pamilihan sa lungsod, kung saan tumaas ito ng hanggang ₱20 bawat kilo kumpara sa nakaraang mga araw.

Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang ₱200 na ang ipinagbibili na presyo nito kada kilo.

Ayon sa mga vendor, ang paggalaw ng halaga ay may direktang epekto sa kakayahan ng mga mamimili na bumili ng kanilang pangangailangan.

--Ads--

Binanggit naman ng ilang suplayer na isa sa mga dahilan ng pagbabago sa presyo ay ang pagdami ng mga produktong manok na galing sa ibang bansa, na nakakaapekto sa bentahan ng mga produktong gawa ng lokal na industriya.

Kinumpirma rin ito ng mga kinauukulan sa sektor ng agrikultura.

Sinabi nila na ang pagpasok ng mga inangkat na karne ng baboy, manok, at iba pang ani ay lumilikha ng matinding kompetisyon na nagpapabigat sa kalagayan ng mga lokal na magsasaka at nag-aalaga ng manok.

Dahil dito, umaasa ang mga lokal na tagapag-alaga na mapanatili ang presyo sa antas na ₱125 hanggang ₱130 na farm gate price upang makabawi sila sa puhunan at mapanatiling matatag ang industriya sa rehiyon.

Samantala, patuloy naman binabantayan ang galaw ng presyo sa mga pamilihan habang hinihintay ang mga hakbang o patakaran na maaaring ipatupad upang matiyak ang sapat na suplay at maayos na presyo ng mga produktong manok.