Hinimok ni House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers ang mga national security officials na siyasatin kung sinasamantala ng China ang mga isyung pagkakahati sa pulitika ng Pilipinas sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at mga tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Barbers, dapat alamin kung nagkataon lamang ang tiyempo ng mga kilos ng China sa karagatan o bahagi ito ng mas malawak na estratehiya upang pahinain ang pagkakaisa ng mga Pilipino.

Gayunman, nilinaw ng dating mambabatas na hindi sapat ang pagkakasabay ng mga pangyayari upang patunayang may ugnayan ang mga ito. Aniya, dapat nakabatay sa mapagkakatiwalaang intelligence at beripikadong ebidensiya ang anumang pagsusuri.

--Ads--

Nagbabala si Barbers na maaaring mapakinabangan ng China ang matinding pagtatalo sa lokal na pulitika kung maililihis nito ang atensiyon ng publiko mula sa mga usapin sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin niya na ang impeachment trial ay isang prosesong konstitusyunal at hindi dapat samantalahin ng ibang bansa ang mga pagkakaiba ng mga Pilipino upang isulong ang sariling interes.

Nanawagan din si Barbers sa mga Pilipino, anuman ang panig sa pulitika, na manatiling mapagmatyag laban sa posibleng pakikialam ng dayuhan at magkaisa sa pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ng bansa.