Dagupan City – Bumuo ng Municipal El Niño Task Force ang lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño ngayong 2026. Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 2026-75 kasunod ng emergency meeting noong Oktubre 15 upang pagtibayin ang mga hakbang ng bayan laban sa inaasahang tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Pangunahing tungkulin ng task force ang pag-uugnay at pagsubaybay sa mga programa para mapanatili ang suplay ng tubig, maprotektahan ang agrikultura at seguridad sa pagkain, at matiyak ang kalusugan ng publiko at tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan.
Batay sa pagtataya ng DOST-PAGASA na binanggit ng lokal na pamahalaan, maaaring magdulot ang El Niño ng mas mababang dami ng ulan at matagal na tagtuyot, bagaman posible pa rin ang malalakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar.
Kabilang sa mga tinalakay na hakbang ang paghahanda laban sa sunog, pagtulong sa mga magsasaka, at pagbibigay ng babala sa mga sakit na dulot ng matinding init.
Hinikayat ng pamahalaang bayan ang publiko na magtipid sa tubig, iwasan ang pagsusunog ng basura at tuyong damo, at manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso.
Inihayag din ang planong magdagdag ng isang trak ng bumbero, habang nakatakda ang karagdagang konsultasyon sa mga barangay, paaralan at iba pang sektor.
Home Local News Mangaldan Municipal El Niño Task Force, binuo bilang paghahanda sa posibleng epekto...










