Handang-handa na ang Mexico para sa nalalapit na pagbubukas ng FIFA World Cup 2026, kung saan makakaharap nito ang South Africa sa opening match ng torneo.

Ayon kay Julius Besejos Lerdon, Bombo International News Correspondent sa Mexico, nakapuwesto na ang mga hakbang ng pamahalaang Mexican upang matiyak ang seguridad ng mga manlalaro, opisyal, at mga manonood mula sa iba’t ibang bansa.

Aniya, lalo pang pinaigting ang seguridad dahil ito ang ikatlong pagkakataon sa kasaysayan na magiging host ang Mexico ng pinakamalaking torneo sa football.

--Ads--

Nakipag-ugnayan din ang Mexico sa Interpol upang palakasin ang international security operations dahil inaasahang dadagsa ang mga koponan, opisyal, at milyun-milyong dayuhang bisita mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kabilang sa mga ipinatupad na seguridad ang paggamit ng mga drone para magmonitor sa mga event area sa Monterrey, Mexico City, at Guadalajara. Magkakaroon din ng eye-scanning technology sa mga stadium bilang bahagi ng mas mahigpit na seguridad.

Bukod dito, pinaigting din ang pagbabantay sa mga hotel, restoran, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga turista at tagasuporta ng iba’t ibang koponan.

Samantala, idineklara ng pamahalaan ng Mexico ang holiday bukas upang mabigyang pagkakataon ang mamamayan na masubaybayan at makiisa sa makasaysayang pagbubukas ng torneo.