Kinumpirma ng Philippine National Police Regional Office 3 (PNP PRO 3) sa kanilang initial findings na ”strong currents” o malakas na alon ang isa sa tinitingnan dahilan kung bakit nalunod ang dalawang basketball student-athletes ng Ateneo de Manila University sa lalawigan ng Aurora.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na parehong miyembro ng Ateneo basketball program.
Ayon sa unibersidad, nasawi ang dalawa matapos ang insidente habang nasa isang team-building activity.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP PRO 3, natukoy na naliligo umano ang mga biktima nang tangayin sila ng malakas na alon dahilan para dalhin sila sa masmalalim na bahagi ng tubig.
Dinala pa sa pagamutan ang dalawang biktima, ngunit idineklara silang dead on arrival ng mga doktor.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang nananawagan sila sa publiko na iwasan ang haka-haka at hintayin ang pinal na resulta ng imbestigasyon.
Nagpaalala rin ang PNP sa mga turista na maging maingat sa mga aktibidad sa dagat, lalo na sa mga lugar na may malalakas na alon, at sumunod sa mga safety advisories.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang PNP PRO 3 sa pamilya at mga mahal sa buhay ng mga biktima.
Si Baterbonia ay nakatakda sanang maglaro bilang rookie sa UAAP Season 89, habang si ang Nigerian national na si Adili ay naglaro naman sa UAAP Season 88 bilang isang import player.










