Tiniyak ni FCINSP. Michael C. Samera, ang bagong City Fire Marshal ng BFP Dagupan, na ang kanilang opisina ay mananatiling epektibo at laging handa 24/7 para sa anumang uri ng sakuna na maaaring dumating sa lungsod. Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niya ang kahandaan ng kanilang hanay sa kabila ng mga kasalukuyang hamon sa pasilidad at kagamitan.
Sa kasalukuyan, ang Dagupan City Fire Station ay binubuo ng 26 na matatapang na tauhan (men and women) na nagsisilbi sa 31 barangay ng lungsod. Pagdating sa transportasyon at pagtugon sa sunog, mayroong dalawang serviceable fire trucks ang istasyon—isang pagmamay-ari ng BFP na may 1,000 gallons capacity at isang “fire truck penetrator” na binili ng LGU na may 500 gallons capacity. Mayroon din silang isang ambulansya, habang ang dalawa pang fire truck ay kasalukuyang “unserviceable”.
Ipinagmalaki ni Samera ang itinatayong bagong fire station sa lungsod na sa ngayon ay 70% nang tapos. Ang gusaling ito ay itinuturing na kakaiba dahil ito ay isang four-story building, di-tulad ng mga karaniwang two-story fire stations sa mga karatig-lungsod gaya ng San Carlos, Alaminos, at Urdaneta. Bagaman hindi pa ito 100% na kumpleto, ang mga personnel ng BFP ay kasalukuyan nang “in-house” o nananatili sa loob ng nasabing bagong gusali.
Kamakailan lamang, noong nakaraang Biyernes, ay na-install na ang sariling contador ng kuryente sa pasilidad kasunod ng isinagawang final inspection ng Regional Office Logistics at ng contractor. Gayunpaman, umapela si Samera ng suporta para sa “second phase” na budget mula sa higher office. Ito ay upang tuluyang makumpleto ang mga opisina at barracks, lalo na’t hindi pa magamit ang ibang pasilidad gaya ng mga palikuran (CR) para sa mga tauhan.
Sa pagtatapos, nagpasalamat si Samera sa pagkakataong mapiling mamuno sa Dagupan at muling nanindigan na gagampanan nila ang kanilang tungkulin nang naaayon sa mandato ng BFP para sa kaligtasan ng publiko.










