Nasawi ang Amerikanong aktor na si James Handy, na kilala sa kanyang mga papel sa mga pelikulang kabilang ang Jumanji at Top Gun: Maverick, matapos pagsasaksakin sa kanyang tahanan sa Los Angeles, ayon sa pulisya.
Si Handy, na 81 taong gulang, ay natagpuang walang malay sa harapang hardin ng kanyang bahay sa Tarzana, California, kung saan ay mayroon siyang ilang saksak sa dibdib.
Si James Handy ay lumabas sa maraming palabas na may temang pulisya at krimen, kabilang ang CSI: New York.
Ipinanganak si Handy sa New York at lumabas sa maraming pelikula at palabas sa telebisyon sa loob ng anim na dekada, kadalasan bilang suportang karakter o sa ilang piling episode lamang.
Bagama’t bihira siyang maging pangunahing bida, nakapagtala siya ng mahabang listahan ng mga proyekto, kabilang ang NYPD Blue, K-9, Law & Order, CSI: NY, Logan, Alias, Castle, NCIS, The West Wing, Arachnophobia, The X-Files, at Murder, She Wrote.
Ang kanyang pinakahuling papel sa pelikula ay sa Top Gun: Maverick noong 2022, kung saan ginampanan niya si Jimmy, isang bartender na katrabaho ng karakter ni Jennifer Connelly, ang naging kasintahan ng karakter ni Tom Cruise.
Sinabi ng entertainment writer na si Jay Bobbin na labis siyang nalungkot nang mabalitaan ang pagpanaw ng isang napakahusay na character actor.
Samantala, inilarawan naman ng manunulat at producer na si Don Winslow, na lumikha ng seryeng UC: Undercover noong 2001 kung saan lumabas si Handy, ang aktor bilang isang kahanga-hangang artista.
Samantala, inaresto si Michael Gledhill, 44, anak ng kasintahan ni Handy, dahil sa hinalang pagpatay, ayon sa Los Angeles Police Department (LAPD).
Kasunod ng insidente, sinabi ng LAPD na si Gledhill ay lumapit sa mga pulis at sinabing siya ang taong kanilang hinahanap.
Matapos ang kanyang pag-aresto, dinala si Gledhill sa Van Nuys Jail at kinasuhan ng one count ng murder.
Itinakda naman ang kanyang piyansa sa $2 milyon o katumbas ng £1.5 milyon.










