Ibinunyag ng 18 nagpakilalang dating Marines na naghatid umano sila ng male-maletang pera sa mga prominenteng opisyal ng gobyerno kabilang na kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senador Vicente Sotto III, Sen. Erwin Tulfo at Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima, dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at iba pa.
Base sa joint affidavit ng 18 dating sundalo, na nagpakilalang mga tauhan o bagman ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, nagdeliver sila ng bilyun-bilyong pisong kickbacks mula sa mga flood control projects na nakasilid sa mga maleta, kung saan kada maleta naglalaman umano ng humigit-kumulang P48 milyon.
Sa Senate hearing sa flood control mess, isiniwalat ng isa sa ex-marines na si Johnny Buduan na noong 2022, naghatid sila ng limang maleta sa Ilocos Norte, na nakalaan umano para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa testigo, may mga maleta ring inihatid noong panahon ng kampanya (2022) na tinanggap umano ni Rep. Sandro Marcos habang si Zaldy Co ang kumuha ng litrato.
Idiniin din ng mga testigo na hinatiran si Sen. Vicente Sotto ng milyong piso o limang malalaking maleta ng pera sa isang gusali sa Baclaran, Parañaque noong 2024 bago ang election campaign period.
Kinumpirma rin ng testigong si Bernard Gumban na dalawang beses siyang nag-deliver sa bahay ni Senador Erwin Tulfo. Una ay maliit at katamtamang maleta (tinatayang ₱20-50 milyon), at pangalawa ay anim na iba’t ibang laki ng maleta.
Kabilang din sila sa opisyal na listahan ng mga pinagdeliveran o madalas umanong ka-meeting ni Zaldy Co batay sa isiniwalat sa pagdinig sina Rep. France Castro, dating Rep. Leila de Lima, at dating Rep. Raoul Manuel.
Kasama rin sa listahan sina dating Sen. Antonio Trillanes IV (na binigyan umano para gastusan ang imbestigasyon ng ICC at ang pari na si Fr. Flavie Villanueva.
Ilan pa sa mga mambbatas na pinadalhan umano ng male-maletang pera ay sina Rep. Terry Ridon, Rep. Gerville Luistro,Former Rep. Arlene Brosas, Rep. Benny Abante, Rep. Zia Adiong, Rep. Jose Alvarez, Former Rep. Ace Barbers, Rep. Joel Chua, Former Rep. Dan Fernandez, Rep. Janette Garin at Former Rep. Stella Quimbo.





