Hinimok ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Erwin Tulfo ang pamahalaan na maglatag agad ng konkretong plano at maglaan ng sapat na pondo para sa posibleng pagtindi ng El Niño, kasabay ang pagbabala sa matinding tagtuyot, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at magiging epekto nito sa mga kabuhayan ng mamamayan.
Ayon kay Tulfo, hindi dapat hintayin ng pamahalaan na lumala muna ang epekto ng tagtuyot bago kumilos, lalo’t mayroon nang datos at babala hinggil sa maaaring idulot ng matinding El Niño.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa ₱6.87 bilyon ang naitalang pagkalugi sa sektor ng agrikultura na nakaapekto sa 223,214 magsasaka hanggang Setyembre 26, 2026.
Bagama’t kinilala ng senador ang pagbuo ng administrasyon ng El Niño Task Force, sinabi niyang hindi dapat limitado sa proteksyon sa mga magsasaka at irigasyon ang pagtugon ng pamahalaan.
Iginiit niyang kailangang may malinaw na plano, nakatalagang responsibilidad sa bawat ahensya at sapat na resources upang makakilos bago pa tuluyang maapektuhan ang mga komunidad.
Dahil dito, inakyat na ng senador ang usapin sa plenaryo ng Senado at ini-refer ito sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee, isang special panel na tumututok sa mga usaping may kaugnayan sa paghina ng ekonomiya, pagtaas ng gastusin at purchasing power ng mga Pilipino.
Ayon kay Tulfo, layunin ng kanyang hakbang na matiyak na may konkretong roadmap ang pamahalaan upang mapaghandaan ang posibleng matinding epekto ng El Niño at hindi lamang kumilos kapag sumapit na ang krisis.










