Inanunsyo ni Senate President Pro Tempore Sherwin “Win” Gatchalian ang work-from-home (WFH) arrangement para sa mga kawani ng Senado ngayong Huwebes, Hunyo 4, 2026, bunsod ng mga kamakailang kaganapan sa Mataas na Kapulungan na umano’y nakaapekto sa operasyon at morale ng mga empleyado.
Sa isang Senate advisory, sinabi ni Gatchalian na layunin ng hakbang na mapanatili ang neutrality ng bureaucracy ng Senado.
“To preserve the neutrality of the Senate bureaucracy,” nakasaad sa abiso, pinahihintulutan ang lahat ng kawani ng Secretariat at Senate Proper na magtrabaho mula sa bahay. Tiniyak din na hindi ito ituturing na insubordination, AWOL, o anumang paglabag.
Nauna rito, nagpalabas ng memorandum si Senador Alan Peter Cayetano na kumikilala sa kanyang patuloy na pag-angkin sa liderato ng Senado at iginiit na tuloy ang lahat ng nakatakdang pagdinig sa Hunyo 4, kabilang ang Blue Ribbon Committee hearing.
Ayon kay Cayetano, mananatiling bukas ang Senado at iginiit niyang may awtoridad siya sa mga pasilidad nito alinsunod sa 1987 Konstitusyon. Binalaan din niya na hindi dapat “padlock” ang Senado at sinabi na tutuloy ang pagdinig ng komite. Plano rin niyang pumunta sa Senado bago mag-alas-10 ng umaga upang tiyakin ang pagbubukas ng session hall para sa hearing.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na ang desisyon na huwag magdaos ng official business ay kaugnay ng mga pagbabago sa liderato at reorganisasyon ng mga komite sa Senado.
Ang Blue Ribbon Committee, na una nang nasa ilalim ng pamumuno ng kampo ni Cayetano, ay iniulat na ngayong pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo matapos ang mga pagbabago sa mayorya nitong Miyerkules.








