Ikinadismaya ni Laoac Mayor Ricardo Balderas ang hindi pagtuloy ng planong 250-unit housing project na inaasahang makatutulong sa mga pamilyang nangangailangan ng disenteng pabahay sa bayan.
Ayon kay Balderas, ang proyekto ay inilunsad noong 2022 at nakapaloob sa isang tatlong-palapag na residential building na popondohan sana ng pambansang pamahalaan katuwang ang Pag-IBIG Fund.
Aniya, wala umanong gagastusin ang lokal na pamahalaan ng Laoac dahil hindi ito magmumula sa pondo ng LGU.
Lumutang umano ang mga katanungan kung bakit sa pribadong lupain ni Engr. Castigo itatayo ang proyekto.
Gayunman, iginiit ng alkalde na bahagi ito ng mga prosesong isinagawa para sa implementasyon ng housing program.
Dahil sa mga naging isyu at kontrobersiya kaugnay ng proyekto, hindi na umano ito natuloy na maipatayo, bagay na labis na ikinalungkot ni Balderas.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang lokal na pamahalaan na magkakaroon ng panibagong pagkakataon upang maisulong ang mga proyektong pabahay para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng bayan.










