Dagupan City – Dapat maging mapanuri ang taumbayan sa pagpili ng mga lider matapos ang hindi pagdalo ng majority sa nakatakdang pagdinig sa senado.

Ito ang binigyang diin ni Atty. Francis Dominic Abril, legal at political consultant, ang plunder ay isang mabigat na kasong kriminal na may kaugnayan sa umano’y iligal na pagkuha o paggamit ng pondo ng bayan.

Sinabi ni Abril na tatlong beses nang naharap sa kontrobersiya si Senador Jinggoy Estrada, kaya’t nakalulungkot umano na muli itong nasasangkot sa isang seryosong usapin.

--Ads--

Aniya, guilty man o hindi, hindi maikakaila na mabigat ang kasong kinahaharap ng senador.

Dagdag pa ni Abril, hindi pa ganap na politically mature ang taumbayan pagdating sa pagpili ng mga lider na mamamahala sa bansa.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat magpadala ang publiko sa pahayag ni Estrada na hindi nito tinatanggap ang kaniyang suweldo.

Ayon kay Abril, may mga umiiral na patakaran na nagsasaad na ang isang opisyal na may nakabinbing kaso ay maaaring hindi muna tumanggap ng sahod.

Sa kabila nito, iginiit ni Abril na may karapatan pa rin si Estrada na ipagtanggol ang kaniyang sarili at gamitin ang lahat ng legal na paraan upang maipahayag ang kaniyang panig.

Ipinaliwanag din niya na ang pagkakaaresto ng senador ay maaaring makaapekto sa kaniyang tungkulin bilang mambabatas. Hindi umano siya maaaring pumirma o magsumite ng mga panukalang batas habang nasa kustodiya, bagama’t maaari pa rin siyang makatanggap ng mga balita at impormasyon mula sa labas.

Gayunman, aniya, mananatili ang pagtrato sa kaniya bilang isang ordinaryong mamamayan habang nililitis ang kaso.

Samantala, sinabi rin ni Abril na dapat managot sa publiko ang mga senador na hindi dumalo sa kanseladong pagdinig kamakailan.

Aniya, marami sanang mahahalagang isyu ang tatalakayin ngunit walang sapat na abiso na hindi matutuloy ang pagdinig.

Binigyang-diin pa niya na sa halip na umunlad ang imahe ng Senado, tila bumababa umano ang tiwala ng publiko rito dahil sa mga nagaganap na kontrobersiya.

Kaugnay naman ng impeachment case ni Bise Presidente Sara Duterte, sinabi ni Abril na aabangan ng publiko ang magiging desisyon at pagganap ng mayorya sa Senado sa pagtalakay ng nasabing usapin.