Dagupan City – Pinapalakas at pinapatutukan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang kampanya laban sa mga ilegal na subdibisyon at mga land developer na nagbebenta ng lupa nang walang kaukulang permits at lisensya, kasabay ng pagdami ng mga interesadong mamuhunan sa real estate.
Nabuo ang hakbang na ito sa isinagawa kamakailan na isang programa na pinamumunuan ng Real Estate Brokers Association of the Philippines (REABAP).
Layunin ng aktibidad na bigyan ng kaalaman ang publiko tungkol sa masamang epekto ng mga ilegal na subdibisyon sa urban planning, kalinisan, imprastraktura, at sa buong komunidad.
Inihayag ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario ang kanyang buong suporta kasama ang lokal na pamahalaan sa kampanya laban sa mga “illegal land developers.”
Sinabi ng alkalde na kasabay ng mabilis na pag-unlad ng bayan, mahalagang maging mapanuri ang mga mamamayan at tiyakin na makikipagtransaksyon lamang sila sa mga lisensyadong broker at lehitimong developers.
Binigyang-diin din niya na naglabas na ang lokal na pamahalaan ng mga suspension order laban sa mga ilegal na nagbebenta ng lupa at sa mga hindi kumukuha ng kinakailangang permits at lisensya mula sa mga nauugnay na ahensya.
Patuloy na hinihikayat ng Pamahalaang Bayan ng Manaoag ang lahat na suriin at beripikahin muna ang mga dokumento, permit, at lisensya bago gumawa ng anumang transaksyon sa pagbili ng ari-arian para matiyak na ligtas, legal, at responsableng pamumuhunan ang kanilang gagawin.










