DAGUPAN CITY- Pinagtitibay ng health card system ang proteksiyon sa kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng pagtiyak na ligtas, malinis, at sumusunod sa wastong sanitation standards ang mga naghahanda at nagbebenta ng pagkain sa iba’t ibang establisimyento.

Ayon kay Dr. Glenn Soriano, mahalagang magkaroon ng health card ang mga food handlers dahil sila mismo ang maaaring magdala o magkalat ng sakit kung hindi maayos ang kanilang kalinisan at paraan ng paghahanda ng pagkain.

Ipinaliwanag niya na ang simpleng maruming kamay, hindi tamang paghawak sa pagkain, o paggamit ng kontaminadong tubig ay maaaring magdulot ng impeksiyon at food poisoning sa mga mamimili.

--Ads--

Sinabi niya na layunin ng health card na magsilbing proteksiyon para sa consumers dahil ito ay indikasyon na ang isang food handler ay sumailalim sa kinakailangang health at sanitation requirements bago payagang magtrabaho sa food industry.

Binigyang-diin din ni Soriano na malaki ang papel ng sanitation at health authorities sa regular na pag-iinspeksiyon sa mga food establishments, kabilang ang paraan ng food preparation, kalidad ng tubig, at kalinisan ng lugar.

Babala pa niya, kung magiging pabaya sa pagpapatupad ng sanitation standards at health requirements, posible itong humantong sa malawakang food contamination at pagdami ng kaso ng food-borne diseases.

Dahil dito, iginiit niyang mahalagang manatiling mahigpit ang mga awtoridad sa pagbibigay ng certification at monitoring sa mga food establishments upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.