Maaaring maantala ang pag-usad ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court matapos humiling ang kanyang bagong defense lawyer ng panibagong fitness review ng dating lider.

Ayon kay Atty. Kristina Conti, nababahala ang mga pamilya ng mga biktima dahil posibleng lalo pang tumagal ang pagsisimula ng paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa madugong kampanya kontra droga ng dating administrasyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Conti na nais ng mga biktima na agad nang maisagawa ang trial sa lalong madaling panahon.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang humihiling ang depensa ng dagdag na panahon matapos magsumite ng apela ang bagong defense counsel ni Duterte na si Peter Haynes.

Kamakailan lamang ay hiniling ni Haynes ang panibagong fitness review para kay Duterte, dahil umano sa patuloy na paglala ng kalagayan ng dating pangulo.

Ayon kay Conti, binanggit pa umano ng depensa ang ilang halimbawa ng mga kaso sa ICC kung saan umaabot nang mahigit isang taon bago tuluyang magsimula ang paglilitis.

Kung mapapatunayang fit to stand trial si Duterte, humiling si Haynes ng trial preparation period na nasa pagitan ng 14 hanggang 19 buwan bago tuluyang magsimula ang pagdinig.

Dahil dito, sinabi ni Conti na hirap ang kampo ng mga biktima na hindi pagdudahan na ginagamit lamang ng depensa ang legal na proseso upang maantala ang kaso.

Nauna nang itinulak ng prosekusyon sa ICC na simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026, matapos pagtibayin ng mga hukom ng ICC ang mga reklamong crimes against humanity laban kay Duterte na may kaugnayan sa kanyang war on drugs campaign.