Naaresto ng mga tauhan ng Urbiztondo Municipal Police Station ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Person sa municipal level sa isinagawang operasyon bandang alas-12 ng tanghali noong Mayo 9.
Isinagawa ang pag-aresto sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Fernan L. Rivera, Acting Chief of Police ng Urbiztondo PNP. Ang suspek ay isang 23-anyos na residente ng bayan ng Urbiztondo, Pangasinan.
Batay sa ulat ng pulisya, nadakip ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng RTC Fourth Judicial Region, Branch 79 sa Morong, Rizal kaugnay ng kasong tatlong bilang ng Acts of Lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
May inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 para sa bawat bilang ng kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Urbiztondo Police Station ang naarestong indibidwal habang isinasagawa ang kaukulang disposisyon at legal na proseso.
Patuloy namang pinaigting ng Urbiztondo PNP ang kanilang kampanya laban sa mga wanted person, kriminalidad at iligal na droga bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.










