Mariing binatikos ng IBON Foundation ang pamahalaan dahil sa umano’y kabiguang tugunan ang lumalalang krisis pang-ekonomiya sa bansa kasunod ng panibagong pagtaas ng inflation, unemployment rate, at mabagal na economic growth.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, sinabi nitong malinaw na patunay ang mga pinakahuling datos na “palpak” ang gobyerno sa pagharap sa matagal nang problemang pangkabuhayan na lalo lamang pinalala ng oil price shock.
Ayon kay Africa, malaking dagok sa mga Pilipino ang naitalang 7.2% inflation rate ng bansa — halos tatlong beses na mas mataas sa loob lamang ng dalawang buwan at pinakamalaking agwat umano sa nakalipas na dalawang dekada.
Bukod dito, muli ring tumaas ang unemployment rate habang nananatiling mababa ang economic growth ng bansa sa 2.8%, malayong-malayo sa target na 4% hanggang 6% para sa kasalukuyang taon.
Aniya, ang mga araw-araw na hirap na dinaranas ng mga Pilipino ay nauuwi na lamang sa estadistika sa paningin ng pamahalaan.
Iginiit din ng IBON Foundation na kung agad na ipinag-utos ng administrasyon ang pagtanggal sa fuel excise tax — na matagal na nilang inirerekomenda — hindi sana umabot sa ganitong kataas ang presyo ng langis at mga bilihin sa merkado.
Kasabay nito, kinuwestiyon din ng grupo ang labis na pag-asa ng gobyerno sa dayuhang pamumuhunan.
“May pamumuhunan ba sa loob ng bansa?” tanong ng IBON, kasabay ng panawagang paunlarin ang lokal na industriya.
“Walang interes ang dayuhang pamumuhunan na paunlarin ang Pilipinas. Ang tanging layunin ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas ay pagkakitaan tayo,” diin ni Africa.
Binigyang-diin din nito na hindi umano totoo na sapat ang naitutulong ng gobyerno sa mahihirap. Batay aniya sa pinakahuling datos, umaabot na sa 14 milyong Pilipino ang itinuturing ang sarili na mahirap, ngunit tinatayang nasa 1.4 milyong mahihirap na pamilya pa lamang ang natutulungan ng pamahalaan.
Ibig sabihin umano nito, isa lamang sa bawat sampung pamilyang nangangailangan ang naaabot ng ayuda ng gobyerno.










