DAGUPAN CITY- Maigting na isinusulong ng Lokal na pamahalaan ng Dagupan ang SAFENet Program o Secure and Abuse Free Environment para sa kaligtasan ng publiko sa lungsod.
Sa pamamagitan nito, matagumpay na nakapagdikit sila ng HINDI KA NAG-IISA” City Helpline Stickers sa mga pampublikong mga jeepney na namamasada sa Dagupan.
Ayon kay Bernard Tuliao, maituturing itong malaking hakbang para maprotektahan ang mga pasahero mula sa pang-aabuso at iba pang banta sa kanilang kaligtasan.
Binanggit niya na may isang kaso kasi noon kung saan isang estudyante ang hindi maayos na tinrato, ngunit mabilis na nakapag-ulat ang bata sa pamamagitan ng pagkuha ng video at pagsasabi ng insidente.
Bukod pa rito, ang mga hotline ay maaari ring gamitin para sa mga taong nahaharap sa problema tulad ng depresyon, problema sa pamilya, o mga alalahanin sa kalusugang isip para hindi humantong sa mga hindi inaasahang pangyayari sa mismong buhay ng isang tao.
Saad niya na nakatutok pa lamang ang nasabing implementasyon sa lungsod kasi aniya mayroon nang tumatawag mula sa ibang lugar tulad sa San Carlos City.
Aniya na umaasa sila na sa mga susunod na buwan, maipatupad din ito sa iba pang LGU sa buong Pangasinan.
Sa ngayon ay wala pa namang mga ulat sa kanila ng pang-aabuso pero nagbigay ito ng paalala sa mga drayber na igalang ang mga pasahero, lalo na ang mga estudyante kung saan dapat bantayan ang kanilang kaligtasan laban sa mga mandurukot o snatcher, at huwag gumawa ng anumang uri ng pang-aabuso.
Mayroon kasi aniya silang mga parusa para sa mga lumalabag na maaaring masuspinde o hindi payagang magmaneho ng isa o dalawang araw.
Patuloy naman na sinusubaybayan ng AutoPro Pangasinan ang pagpapatupad ng programa upang tiyakin na makakamit ang layuning maprotektahan ang lahat ng mga pasahero sa mga pampublikong jeepney.









