DAGUPAN CITY- Patuloy na nararanasan ang mataas na heat index sa lalawigan ng Pangasinan, kung saan ang ilang bayan at lungsod ay umaabot pa sa mahigit 40 degrees Celsius.
Dahil dito, pinapalakas ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga paalala sa publiko na iwasan ang mga sakit na dulot ng mainit na panahon.
Ayon sa PDRRMO, sunod-sunod ang naitatalang mataas na heat index sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin na ang ganitong antas ng init ay maaaring magdulot ng heat exhaustion, heat stroke, at heat cramps lalo na sa mga taong matagal na nakalantad sa sikat ng araw.
Ang heat index ay sumasalamin sa kung paano nararamdaman ng katawan ang temperatura dahil sa kumbinasyon ng init at kahalumigmigan sa hangin.
Samantala, Maituturing na ang 40 degrees Celsius na heat index ay mapanganib, lalo na para sa mga manggagawang nagtatrabaho sa labas, mga estudyante, at mga indibidwal na lantad sa oras ng mainit na sikat ng araw.










