Iginiit ng mga kabataan ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026 sa kabila ng mga panawagang ipagpaliban ito, at binigyang-diin na hindi dapat galawin ang mandatong itinakda ng Konstitusyon at umiiral na batas.
Ayon kay Angelo Tejoso, coordinator ng Kabataan Partylist-Pangasinan, handang-handa ang kabataan na parehong tumakbo at bumoto sa darating na halalan, at nakikita nila ito bilang mahalagang plataporma upang maipahayag ang kanilang boses at maitaguyod ang kanilang mga adbokasiya sa antas ng barangay.
Hinikayat din niya ang mga kabataan na magparehistro habang bukas pa ang mga tanggapan ng Commission on Elections at makilahok sa mga diskurso hinggil sa eleksyon.
Binigyang-diin niya na ang BSKE 2026 ay mahalagang paghahanda para sa mas malaking papel ng kabataan sa national elections sa 2028, kung saan inaasahang mas lalakas ang kanilang impluwensya sa pagpili ng mga lider ng bansa.
Ipinahayag nila na sa gitna ng patuloy na suliranin ng bansa tulad ng hindi nalulutas na korapsyon, problema sa flood control, at pagtaas ng presyo ng langis, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng kabataan upang maitulak ang mga konkretong solusyon at mapabuti ang kabuhayan at kalagayang pang-ekonomiya.
Batay sa opisyal na kalendaryo ng Commission on Elections (COMELEC) para sa BSKE 2026, ang nationwide voter registration maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nagsimula noon Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026, habang ang rehistrasyon sa BARMM ay nagsimula noong Mayo 1 hanggang Mayo 18, 2026.
Ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) naman ay isasagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026, kasabay ng umiiral na campaign ban mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 21, 2026.
Itinakda naman ang election period mula Oktubre 3 hanggang Nobyembre 9, 2026, habang ang opisyal na campaign period ay mula Oktubre 22 hanggang Oktubre 31, 2026.
Ang mismong araw ng botohan ay sa Nobyembre 2, 2026, kung saan inaasahang aktibong makikilahok ang mamamayan, lalo na ang kabataan.










