Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa San Carlos City kaugnay ng sunog sa Old Market Building, na sa ikalawang pagkakataon ay muling tinupok ng apoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Fire Chief Inspector Michael Samera, City Fire Marshal ng BFP San Carlos City, na kasalukuyan pang isinasagawa ang initial investigation kaya hindi pa muna matukoy ang pinagmulan ng apoy.
Ayon kay Samera, bandang alas-1:17 ng hapon nang mai-report ang sunog at agad na rumesponde ang mga bombero, kung saan makalipas lamang ang dalawang minuto ay nasa lugar na ang mga ito.
Alas-2:50 ng hapon naman nang tuluyang maideklarang under control ang apoy.
Sa ulat ng BFP, sa ikalawang palapag ng lumang public market naganap ang sunog na nahahati sa right wing at left wing. Matinding pinsala ang naitala sa right wing kung saan naroon ang opisina ng Liga ng mga Barangay, Grace Guardian, at market division office na ginagamit din umanong storage area.
Samantala, sa left wing ay natamaan ang isang salon at conference room ng Liga ngunit limitado lamang sa usok at bahagyang pinsala.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente, maging sa mga fire responders at sibilyan.
Umabot sa anim na karagdagang fire stations ang tumulong sa operasyon mula sa mga kalapit na bayan kabilang ang Malasiqui, Urbiztondo, Calasiao, Sta. Barbara, at Binmaley, bukod pa sa tatlong fire truck ng San Carlos City at water tanker ng CDRRMO.
Matatandaan na nasa mahigit 200 na stalls ang nasira sa sunog sa Old Public Market noong Agosto, 2024.










