Maglulunsad ng mga pagkilos sa darating na Mayo 1, Araw ng Paggawa, ang Workers for People’s Liberation bilang bahagi ng pagpapalawak ng kanilang community-based na organisasyon sa buong Luzon, ayon kay chairperson Primo Amparo.

Ayon kay Amparo, layunin ng kanilang pagkilos na ipanawagan ang agarang pagtugon sa tumataas na presyo ng bilihin at krisis sa langis—mga isyung patuloy umanong nagpapabigat sa buhay ng karaniwang manggagawa.

Giit ng grupo, kinakailangan ng mas komprehensibong hakbang sa usapin ng suplay ng enerhiya sa halip na mga panandaliang solusyon. Bagamat may ipinatutupad na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program ang pamahalaan, inilarawan nila ito bilang “pamahid lamang” na hindi tumutugon sa ugat ng problema.

--Ads--

Ipinunto rin ni Amparo ang umano’y pagbawas ng suporta sa sektor ng produksyon at agrikultura—isang hakbang na may malalim na epekto sa kakayahan ng bansa na matustusan ang mga batayang pangangailangan.

Dagdag pa niya, tila kapos ang konsiderasyon ng pamahalaan sa mga patakarang direktang makatutulong sa mga manggagawa. Iminungkahi pa niya na marapat maranasan ng pamahalaan ang pamumuhay sa minimum wage upang higit na maunawaan ang kalagayan ng sektor.

Binatikos din ng grupo ang labis na pag-asa ng bansa sa importasyon at kalakalan, sa halip na palakasin ang lokal na industriya at agrikultura.

Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtanggal ng excise tax at value-added tax (VAT), pagbabasura sa Oil Deregulation Law, at ang paglikha ng Oil Price Stabilization Fund upang maprotektahan ang publiko laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Nais din nilang maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng reserbang suplay ng langis.

Sa usapin ng badyet, kinuwestiyon ni Amparo ang malaking alokasyon sa sektor militar at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Para sa kanya, higit na makabubuting ituon ang pondo sa mga programang magpapatibay sa ekonomiya at tutugon sa pangangailangan ng mamamayan.