May sapat na pondo ang Senado para sa posibleng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon ‘yan kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi ni Lacson, na siya ring chairman ng Senate Committee on Accounts, na aabot sa humigit-kumulang P26 million ang maaaring magamit mula sa P27 milion na inilaan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa senador, nasa “continuing appropriations” ang pondo kaya maaari pa itong gamitin sa loob ng dalawang taon.
Ibinahagi rin ni Lacson na nasa humigit-kumulang P500,000 na ang nagastos ng Senado nang unang matanggap ang Articles of Impeachment laban kay Sara Duterte noong nakaraang taon.
Giit ng Senate President Pro Tempore, handa ang Senado kung sakaling maisumite muli ang impeachment case mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, at tiniyak niyang nakabatay lamang sa ebidensya ang magiging paghawak ng mga senador sa kaso ng Bise Presidente.
Samantala, nagpapaalala rin siya sa mga kapwa senador na posibleng magsilbing senator-judges na pairalin ang tamang asal at proseso sakaling umusad ang impeachment trial sa Senado.










