DAGUPAN CITY—Ipinaliwanag ni Randy F. Castilan, Chief Operating Officer ng Dagupan Electric Corporation (DECORP), ang pagtaas ng singil sa kuryente na umabot sa humigit-kumulang 90 sentimo sa residential rate, na dulot ng pagtaas ng presyo sa wholesale electricity spot market.
Ayon kay Castilan, nakaapekto rin ang krisis sa oil at ang paghina ng piso laban sa dolyar sa tinatawag na forex factor.
Dagdag pa niya, hindi na umabot sa antas na kinakailangang magpatupad ng deferred collection, kaya naipamahagi na ang mga resibo at mararamdaman na ng mga konsyumer ang dagdag-singil sa kanilang bayarin.
Sa usapin naman ng suplay ng kuryente, tiniyak ni Castilan na wala silang natatanggap na abiso mula sa system operator tungkol sa kakulangan o mga alerto tulad ng yellow alert.
Gayunpaman, binanggit niya na maaaring maapektuhan ang suplay ng kuryente dahil sa inaasahang pagpasok ng El Niño mula Hunyo hanggang Agosto. Ipinaliwanag niyang kapag umiinit ang panahon, karaniwang numinipis ang suplay habang tumataas ang konsumo ng kuryente.
Sa kabila nito, tiniyak ni Castilan na maayos ang kondisyon ng kanilang mga pasilidad at patuloy nilang pinaghahandaan ang parehong tag-init at tag-ulan upang mapanatili ang maayos na daloy ng kuryente.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din niya ang publiko tungkol sa wastong pagtitipid sa kuryente. Aniya, bagama’t matipid ang LED lights, nawawala ang benepisyo nito kung sosobra naman ang dami ng ilaw na ginagamit sa bahay.
Binigyang-diin din ni Castilan ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat isa sa pagtitipid ng enerhiya, lalo na’t kabilang ang Southeast Asia sa mga rehiyong apektado ng mataas na demand sa enerhiya.
Samantala, ipinaliwanag din niya na ang mga planadong power interruption ay bahagi ng pagpapabuti ng kanilang network upang mas mapaganda ang serbisyo at daloy ng kuryente.
Hinimok din niya ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal na anunsyo ng Dagupan Electric Corporation, kabilang ang kanilang Facebook page, upang maiwasan ang maling balita hinggil sa malawakang brownout.
Nagbigay rin siya ng babala laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng ilegal na paraan upang makatipid sa kuryente, tulad ng pakikialam sa metro o wiring. Aniya, dapat itong tanggihan at agad i-report sa kanilang tanggapan dahil ito ay itinuturing na pagnanakaw ng kuryente at maaaring magdulot ng pananagutan sa konsyumer.










