Dagupan City – Ikinagagalak ng mga biktima ng extrajudicial killings ang pinakahuling pag-unlad sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court ang apela nito kaugnay ng hurisdiksyon ng hukuman.
Ayon kay Jane Lee, ang asawa ng napaslang sa extrajudicial killings na si Michael Lee, labis ang kanilang tuwa sa naging desisyon.
Ikinuwento nito na nang marinig nila ang pagbasura ng Appeals Chamber noong Miyerkules, lubos ang kanilang pasasalamat.
Paglalarawan pa niya, mistulang nabunutan umano sila ng tinik at bahagyang naibsan ang kanilang takot.
Ibinahagi rin niya ang hirap na dinanas ng kanilang pamilya matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Aniya, malaki ang naging pagbabago sa kanilang buhay, ngunit sa kabila ng takot at paghihirap ay patuloy niyang ipinapahayag ang kanilang karanasan upang maiwasan itong mangyari sa iba pang pamilya.
Sa kabila ng kanyang pagiging bukas sa publiko, aminado si Lee na nakatatanggap pa rin siya ng mga pagbabanta, lalo na’t kilala umano ang pamilya Duterte bilang isa sa mga may malaking impluwensya sa bansa.
Ipinaabot naman ni Lee ang kaniyang pasasalamat sa kapwa pamilya ng mga biktima na patuloy na nakikipag-ugnayan at sumusuporta sa kanilang laban para sa hustisya.
Matatandaan na sa desisyong binasa ni Luz del Carmen Ibáñez Carranza, tinanggihan ng Appeals Chamber ang lahat ng apat na grounds of appeal ng depensa.
Dahil dito, itinuring ding “moot” o wala nang bisa ang kahilingan para sa agarang at walang kondisyong pagpapalaya kay Duterte.










