DAGUPAN CITY- Kwentong kutsero kung ilarawan ng isang political analyst ang inilabas na pahayag ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, makikita man na matagal nang pinaghandaan ito ni Romualdez subalit, wala pa itong ipinapakitang matibay na ebidensya na sumuporta sa kaniyang mga inilahad.
Aniya, mas mainam kung ang paghayag nito ay isinagawa sa isang press conference at sinagot ang mga katanungan ng media.
Subalit, kung hihimayin ang pahayag, ito ay ‘self-serving’ at paglaglag sa mga kapwa mambabatas.
Hindi man direktang binanggit ngunit tila itinuturo nito ang ehekutibo.
Binigyan halaga naman ni Atty. Yusingco ang malaking maitutulong ng buong kahandaan ni Romualdez na magsiwalat ng katiwalian para puksain ang lumalalang kurapsyon sa bansa.
Gayunpaman, hindi kapanipaniwala ang bahaging wala umanong alam si Romualdez sa mga nangyayari sa loob ng Bicam gayon na naging dating house speaker siya.
Samantala, ang samu’t saring paglutang ng mga pahayag at depensa ng bawat itinuturong sangkot at nagdudulot ng kalituan para sa mga umaantabay na ordinaryong Pilipino.
Tanging makakatiyak ang sambayan sa tunay na impormasyon sa pagtutok sa mga ‘reliable sources’ at ‘legal proceedings’.










