DAGUPAN CITY- Nakakapagtaka at kahina-hinala ang proposal ng gobyerno na pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) para tugunan ang krisis sa bansa.
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, may malaking pondo ang gobyerno at hindi kinakailangan dukutin sa budget na ilalaan para sa eleksyon ang pagtugon sa nasabing krisis.
Giit niya, hindi kinakailangan babuyin ang proseso ng halalan sapagkat, marami na itong problema na kailangan din tugunan.
Maaari lamang din na gawa-gawa lamang ito at may nakatagong hidden agenda.
Magiging katanggap-tanggap lamang ito kung may malaking balakid para ito ay isagawa, katulad ng giyera sa loob ng bansa.
At ang nasabing pagtitipid ay hindi pasok sa matibay na pagpapatunay para ipagpaliban ang halalan.
Gayunpaman, kung magbabalik tanaw noong 2022, naging matagumpay pa rin ang halalan kahit pa man nahaharap sa banta ng Covid-19 ang bansa.
Sinabi naman ni Africa na mas matutugunan ang krisis kung maglalabas ng karagdagang pondo ang pamahalaan na magbibigay tulong sa mga apektadong hanap buhay at pamilya.
Kung hindi ito gagawin ng pamahalaan ay lalo lamang bibigat ang pasanin ng mga nasa laylayan at mas papabigatin pa ng mga pribadong kumpanya ng langis ang presyo ng produktong petrolyo.










