Dagupan City – Nag-ulat ang kapulisan sa Pangasinan na umabot sa 1,483 ang nahuling lumabag sa ipinatutupad na Safer Cities initiative ng Department of the Interior and Local Government hanggang Abril 16.
Sa bilang na ito, 714 ang nahuli dahil sa paglabag sa curfew ng mga menor de edad mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling araw, 688 ang nahuling umiinom sa pampublikong lugar, at 81 naman ang pinagsabihan dahil sa paglalakad nang walang suot na pang-itaas.
Ayon sa tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office na si Capt. Aileen Catugas, pawang babala lamang ang ibinigay sa mga first-time offenders.
Samantala, sinabi ni Provincial Director Col. Arbel Mercullo na katuwang ng pulisya ang mga barangay force multipliers sa pagbabantay upang mapanatili ang kaayusan at hinikayat niya ang publiko na makipagtulungan sa mga ipinatutupad na regulasyon.










