Dagupan City – Isa nang ganap na realidad ang kauna-unahang Teen Center sa bayan ng Binmaley matapos itong pormal na buksan bilang isang espasyo para sa kabataan na magsisilbing sentro ng paglinang ng talento, kakayahan, at pamumuno.

Ang proyektong ito ay bunga ng pinagsamang adhikain ng Sangguniang Kabataan Federation sa pamumuno ni Hon. Janiea Beyonce D. An at ng Local Youth Development Office sa ilalim ni Mr. Alexson C. Ramirez. Sa tulong ng kanilang kolektibong pagsusulong kasama ang mga kasapi ng SK at Local Youth Development Council, naisakatuparan ang pagtatayo ng nasabing pasilidad.

Naging posible rin ang pagbubukas ng Teen Center sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Binmaley sa pamumuno ni Mayor Pedro A. Merrera III, katuwang ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Edgar C. Mamenta.

--Ads--

Higit pa sa isang gusali, ang Teen Center ay itinuturing na isang ligtas at malikhaing lugar para sa kabataan kung saan maaari silang magsagawa ng iba’t ibang aktibidad na magpapaunlad sa kanilang kakayahan at maghahanda sa kanila bilang susunod na henerasyon ng mga lider ng bayan.

Itinayo ang pasilidad sa ikalawang palapag ng Binmaley Training Center sa Pangasinan at inaasahang magsisilbing sentro ng mga programang pangkabataan na magpapalakas sa partisipasyon at pagkakaisa ng mga Binmalenian youth.