Muling pinigil at pinabalik ng Iran ang ilang oil tanker na nagtangkang dumaan sa Strait of Hormuz, kasabay ng tumitinding tensyon sa pagitan nito at ng Estados Unidos kaugnay ng umiiral na maritime blockade.

Ayon sa mga ulat, hindi pinayagan ng Iranian forces ang hindi awtorisadong pagdaan ng mga barko sa nasabing kritikal na rutang pandagat, na dinaraanan ng malaking bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis. Iniulat na may mga sasakyang pandagat na napilitang umatras matapos makatanggap ng babala mula sa militar ng Iran.

Iginiit ng pamahalaan ng Iran na ang kanilang hakbang ay tugon sa tinatawag nilang “ilegal” na blockade ng Estados Unidos laban sa kanilang mga daungan.

--Ads--

Ayon sa mga opisyal, mananatiling mahigpit ang kontrol sa Strait of Hormuz hangga’t hindi inaalis ng U.S. ang mga restriksyon sa Iranian maritime traffic.

Sa mas matinding pahayag, nagbabala pa ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na anumang barkong susubok lumabag sa kanilang utos ay maaaring harangin o kahit sirain.

Samantala, patuloy ang diplomatic tensions sa pagitan ng Iran at Estados Unidos, kung saan kapwa panig ang nagbabatuhan ng akusasyon at tinawag ng Iran na “maritime piracy” ang aksyon ng U.S., habang kinondena naman ng Washington ang hakbang ng Tehran bilang isang uri ng “blackmail.”