Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas malaking bawas sa presyo ng langis ang ipatutupad sa susunod na linggo, na inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga motorista at sa publiko.
Ayon sa Pangulo, bababa ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang P24.94 kada litro, habang ang gasolina naman ay mababawasan ng P3.41 kada litro at ang kerosene ay ng P2.00 kada litro. Mas mataas ito kumpara sa rollback noong nakaraang linggo.
“Malinaw ang ibig sabihin nito para sa ating lahat—may ginhawang parating,” ani Marcos.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga oil company na tiyaking maipatutupad ang rollback nang buo, tama, at walang pagkaantala. Giit niya, dapat maibigay sa publiko ang nararapat na benepisyo mula sa pagbaba ng presyo.
Binigyang-diin din ni Marcos na bukas ang kanilang tanggapan, kasama ang Department of Energy, para tumanggap ng reklamo laban sa posibleng paglabag ng mga kumpanya ng langis. Nangako rin ang pamahalaan ng agarang aksyon sa anumang iulat na anomalya.
Samantala, magpapatuloy ang pagbibigay ng P10 fuel discount para sa mga public utility vehicle (PUV) at mga bus, gayundin ang service contracting program para sa mga PUV driver.
Upang maiwasan ang abala sa mga motorista, inanunsiyo rin ng Pangulo na magpapatupad ang Department of Transportation at Land Transportation Office ng tatlong buwang extension para sa validity ng mga nag-e-expire na driver’s license, student permit, at rehistro ng sasakyan.
Ayon kay Marcos, nauunawaan ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga Pilipino at tiniyak na patuloy ang kanilang mga hakbang upang maihatid ang ginhawa sa mamamayan.
“Hindi tayo titigil, hindi tayo uurong, at hindi natin hahayaang hindi makarating ang ginhawang ito sa taong bayan,” pagtatapos ng Pangulo.








