Muling nagbanta ang Iran na isasara ang Strait of Hormuz, mahalagang daanan ng mga iniluluwas na langis, kung magpapatuloy ang blockade ng Estados Unidos sa mga daungan ng Iran.

Ang babala ay ginawa ni Iranian Parliament Speaker Mohammad Bagher Ghalibaf, na nanguna sa delegasyon ng Iran sa kamakailang negosasyon sa US sa Islamabad, matapos ang pansamantalang pagbubukas ng lagusan dulot ng ceasefire, kung saan iginiit ng Tehran na ang patuloy na aksyon ng US ay paglabag sa kasunduan at magreresulta sa muling pagsasara ng daanan ng langis.

Sinabi ng Parliamentary Speaker na hindi mananatiling bukas ang Strait of Hormuz kung magpapatuloy ang blockade ng US.

--Ads--

Pinalagan din ni Ghalibaf ang pitong claims ni US President Donald Trump bilang “false,” kabilang na ang claim na nagwagi ang US sa giyera.

Binigyang-diin din niya ang nauna ng pahayag ni Iranian Foreign Ministry spokesman Esmail Baghaei, na sinabing nakadepende sa sitwasyon sa ground at hindi sa mga sentimiyento sa social media kung papanatiling bukas o isasara ang Strait of Hormuz.

Ginawa naman nina Ghalibaf at Baghei ang pahayag matapos ihayag ni Foreign Minister Abbas Araghchi na ganap na magiging bukas ang lagusan para sa lahat ng commercial vessels para sa nalalabing period ng ceasefire.

Samantala, nauna naman nang nagpahayag ng optimismo si Trump na malapit na ang kasunduan sa kapayapaan, matapos pumayag ang Iran na ibigay ang kanilang enriched uranium.