DAGUPAN CITY—Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Rise Up for Life and Rights sa mga pamilya ng mga biktima ng kampanya kontra droga ng administrasyon ni Rodrigo Duterte, ayon kay Rubilyn Litao, Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Litao na umaasa aniya sila na anuman ang maging desisyon ay tatanggapin ito ng kampo ni Duterte at ng kanyang mga tagasuporta, lalo na sa usapin kung may hurisdiksyon ang ICC sa mga umano’y krimen na naganap noong panahong miyembro pa ng ICC ang Pilipinas.
Sa personal na pananaw ni Litao at ng mga pamilya ng mga biktima, naniniwala silang may sapat at matibay na ebidensya na sumusuporta sa mga alegasyon laban sa dating pangulo at 99% itong sigurado na masasakdal ang dating Pangulo.
Bukod sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga abogado, partikular sa National Union of Peoples’ Lawyers, patuloy din ang grupo sa pagbibigay ng update at impormasyon sa mga pamilya ng mga biktima hinggil sa mga kaganapan sa kaso.
Inihayag din ni Litao na mahigpit nilang babantayan ang mga pagdinig sa Abril 22. Kasabay nito, handa umano silang ipahayag ang kanilang ipinaglalaban at ipakita ang kanilang determinasyon upang hindi na muling mangyari ang mga trahedyang nangyari sa bansa.
Aminado rin siya na may posibilidad na maging taliwas ang magiging resulta sa kanilang inaasahan. At patuloy nilang ipinapaabot ang ganitong posibilidad sa mga pamilya ng mga biktima. Sa kabila nito, nananatili silang umaasa na magiging pabor sa kanila ang takbo ng mga pangyayari upang manaig na ang hustisyang ilang taon na nilang inaasam-asam.










