DAGUPAN CITY – Bahagyang humupa na ang tensyon sa Qatar matapos ang mga pag-atake mula sa Iran.
Ayon kay Lawrence Valmonte, Bombo International News Correspondent sa Qatar, sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, sa kasalukuyan ay wala nang naitatalang panibagong opensiba.
Kapansin-pansin namang naapektuhan ang ilang establisimyento partikular ang mga hotel.
Sinabi ni Valmonte na marami umanong hotel ang nakaranas ng pagbaba ng bilang ng mga guests dahil sa pangamba at kawalang-katiyakan na dulot ng tensyon sa rehiyon.
Dahil dito, ilan sa mga hotel ay nakararanas ng pagkalugi sa operasyon, bunsod ng mababang occupancy rate at limitadong paggalaw ng mga turista at bisita.
Gayunman, umaasa ang ilang negosyante sa Qatar na muling babalik sa normal ang sitwasyon at unti-unting makakabawi ang industriya sa mga darating na araw, sa sandaling tuluyang humupa ang banta ng sigalot.
Matatandaan, sunud-sunod ang naitalang pag-atake sa mga military base sa Qatar, na nagdulot ng pangamba hindi lamang sa mga residente kundi maging sa mga negosyo sa bansa.
Sa kabila nito, patuloy ang monitoring ng mga awtoridad sa sitwasyon upang matiyak ang seguridad at katatagan sa lugar.










